Island Only Please!


“No one is above the law.”
Sa ginagawang pananamantala ng China sa mga isla sa West Philippine Sea, hindi lamang batas ng Pilipinas ang kanilang sinusuway kundi pati na rin international law, na dapat ay sinusunod ng bawat bansa. Hindi ba’t ang sinumang lumabag sa batas ay dapat na parusahan? Nasan na ang dapat magparusa sa China? O baka naman walang nagtatangkang lumaban sa higanteng bansa na ito? Sa bagay, populasyon pa lamang nila ay wala nang tatalo.
Wala talagang tatalo sa China. Ayon nga sa ekonomiks, kapag marami ang populasyon ay mabilis ang produksyon sa paggawa, kaya naman mabilis pa sa alas cuatro ang pagtatayo ng China ng kanilang airbase sa Scarborough Shoal na umabot na ng animnapung ektarya, katumbas na ng isang lungsod. Palakpakan natin ang China!  Palakpakan natin ang China sa pagiging sakim niya. Sa kabilang banda, palakpakan din natin ang ating gobyerno na wala man lamang nagawang aksyon at hindi man lang napigilan ang pagtatayo ng China ng estruktura sa ating “pinangangalagaang isla.” Pinangangalagaang isla na malapit nang maangkin ng iba. O ‘di kaya'y, pinangangalagaang isla na hinahayaang maangkin ng iba.
Isla ang bumubuo sa Pilipinas. Mga malilit na isla, ngunit nagtataglay ng malalaking porsyento ng mga likas na yaman. Ngunit likas ba talaga sa ating mga Pilipino ang magpauto sa ibang bansa? Ikaw? Utu-uto kaba? Pumapayag ka bang agawin ng iba ang mga bagay na sayo talaga? Hindi ko lam kung nag-iisip bata lang ba ang ating mga pinuno upang magpa-uto sa China. O baka sadyang sakim lang talaga ang China? Na parang isang ahas na kapag may pagkain ay agad nitong susunggaban. Tulad na lamang ng nangyari sa West Philippine Sea, habang  busy ang ating gobyerno sa pag-aasikaso sa mga katiwalian sa bansa ay nakahanap ng pagkakataon ang China upang magtayo ng airbase sa Scarborough Shoal. Wala talagang pinapalampas na pagkakataon ang China. Kung may isang taong magtanong sa’kin kung ano ang ispeling ng salitang SAKIM, isa lang ang sagot, capital C-H-I-N-A.
Nakakaawa ang Pilipinas, puro na nga korapsyon, sinabayan pa ng pananamantala ng China. Hindi ko naman kasi maintindihan sa China kung bakit kailangan ang mang-agaw ng teritoryo ng iba. Mayaman namang bansa ang China, bakit hindi na lang nito ipaubaya ang mga islang para sa Pilipinas talaga. Marahil noong mga panahong nagpagulong ng mga likas na yaman ang diyos ay hinarang ito ng kanilang Great Wall. At ngayon, maaari ko bang sabihin na salat ang ang China sa mga likas-yaman na galing sa tubig kaya sila nang-aangkin ng iba? Gayonpaman, ayon nga sa naunang SONA ni Pangulong Noynoy Aquino, “Ang Pilipinas ay para sa Pilipinas,” kaya ang Scarborough ay para talaga sa Pilipinas. Hindi ko lang din maintindihan kung bakit parang hinahayaan ng gobyerno na mapunta ito sa iba.
Ayon pa sa Saligang Batas ng Pilipinas, sakop nito ang teritoryong pantubig na may layong 200-nautical-miles mula sa mga baybayin ng Pilipinas. Ngunit hindi ito sinusunod ng China, at ang islang kanilang inaangkin ay may layong 140 miles mula sa probinsya ng Zambales. Nakakalungkot lang isipin na kapag ang mga Pilipino ang lumabag sa batas ng China, bitay agad ang parusa samantalang kapag mga Tsini ang sumuway ay wala tayong nagagawa.
Ito ba ay dahil ang karamihan sa mga investors ng Pilipinas ay mga Tsino, na kapag hinigpitan natin ang batas para sa kanila ay babagsak ang ating ekonomiya? Kung ang ikakabuti lang ng ekonomiya ang iniisip ng ating gobyerno  ay mas dapat nating ipaglaban ang ating isla laban sa China. Dahil baka ito pa ang maging susi upang mabaliktad ang tatsulok na ating kinalalagyan. Kung ngayon, China ang nasa tuktok at Pilipinas ang nasa ibaba, hindi malabong mabaligtad natin ito kung mapapaunlad natin ang yaman ng ating mga isla sa West Philippine Sea.
Sa ngayon, kailangan nating ipaglabang mabuti ang islang inaangkin ng China. Huwag din sanang balewalain ng United Nations ang usaping ito upang maayos ang gusot sa pagitan ng bansang kasapi nito. At sana’y dinggin ng China ang bawat diplomatic protest na ipinapadala natin sa kanila nang sa gayon ay matapos na ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.
Hindi natin kailangan lumaban ng patayan, ang kailangan lang natin ay paninindigan sa’ting ipinaglalaban.

Comments

Popular posts from this blog

#CandleVendor4dPerstaym